EllisHomicide

Last Login:
April 18th, 2024

View All Posts


Gender: Female
Status: Single
Age: 18
Sign: Cancer
Country: Philippines

Signup Date:
January 02, 2020

Subscriptions

02/24/2023 03:04 PM 

miss, miss, pakitigil lang please...

panaginip o pantasya? 'di na makakaila, mahilig magpabili si mama. punta ka rito, daan ka diyan, kuha mo kong ganito, bumili kang ganyan. kung saan-saan napapadpad ang musmos kong mga paa na nag-iipon ng iba't-ibang karanasan sa malawak na mundong ito, kung saan kahit ang presensya ko lamang bilang kababaihan ay nakakabulabog at bumubuo ng galos sa teritoryong ito na pinamumunuan ng kalalakihan. mundong agresibo. mabilis pa ikot nito sa elesi kapag pinindot na ang number 3 sa bentilador.  sumabay ka, pwede ba? mapapag-iwanan ka na.

bilhan mo kong lipstick na may lalagyang ginintuan. pagkapulang matingkad pa sa sinag ng araw kapag dumampi sa labi para maging kapansin-pansin. kojic at lotion, para makisabay sa mga umuusbong na pamantayan na nagdudugtong-dugtong sa pagitan ng mga puwang sa globo. siguradong kaputian mo ang kukuwadro sa koloreteng hindi ugnay sa iyong pagmumukha. tiyakin mo na ring kabisado mo ang pagpapaandar ng kalan. pantayan mo ang bugso nito. mananabik ang magiging asawa mo! agresibong silakbo, mahinhin na anyo. pag-aagawan at susubukang tawaran, bibilhin at papakiusapan hangga't kapresyo na ng isang bayan ang aking katawan. 

dahil cheap at pokpok ang dating ng iba, pero taliwas, syempre, kapag tayo gagawa. ilang dekada na kayang itinatanim ng telebisyon ang kaisipang kailangan nating patunayan ang ating pagiging kanais-nais? wala ba akong ibang papel kundi maging palamuti ng iba; maging claudine barretto na tutumbas sa isang malawak na dagat ng mga rico yan? ipag-ayos ka ng hapag-kainan pagdating mo sa bahay, at patuloy na mabuhay sa isang paulit-ulit na siklo hanggang sa mawalan ako ng kamalayan sa pagitan ng imahinasyon at katotohanan? 

wala namang pasikut-sikot pa ang pangarap sa akin ni mama. magtapos, magkapera, magkapamilya. pero mahirap tahakin ang mabato at bako-bakong mundo, lalo na't tila lahat ay hinahatak mula sa'yo ang mga talang sinusubukan mong abutin. kompetisyon ang (halos) lahat, hindi dahil nais natin, kundi dahil ito ang itinurong daan sa kaniya ng paligid na nagpalaki sa kaniya. umuwing panalo, manaig bilang kaisa-isang nakaangat, at subukang sabayan ang katotohanan na iba talaga ang nilikhang landas para sa atin ng maykapal.

dahil ano't-anong mangyari, babae pa rin ako, sabi nga ni papa. kahit sabihin kong gusto ko ng vilma santos na papares sa aking nora aunor, kahit palitan ko pang polo ang aking mga bestida at patigasin ang aking asta. kahit nga ipinta ko pa sarili ko bilang isang maria clara! lalaki ang magbibigay depinisyon sa aking kada kilos at salita. ang magbibigay liwanag sa aking pagkakakilanlan, ang magdadala sakin sa hinahanap-hanap na kasukdulan. gawing prayoridad ang katawan at hindi ang pagkatao, para bang sumisigaw na ang aking mga lamang-loob na "gamitin mo na kasi ako!"

bakit kaya? bakit kaya? napapairap ang aking mata, habang inis naman ang pumapalibot sa sistema. maaaninag sa likod ng aking kaisipan ang iba't-ibang teorya at kilusan na bumunga sa iba't-ibang mga henerasyon. babae ka ba talaga, mama? parang nalalasahan mo pa rin sa iyong dila ang mga kaisipan at kalokohan na nauso noong nineteen-kopong-kopong pa. mapait, matipuno, at nakakapaggunita ng mga nilipasang araw na dumaan sa kasukalan ng siyudad. aspaltong naluto na sa sinag ng araw at pandesal na pinalamanan ng pangcacatcall bilang almusal.

pero kapag lumubog na ang araw at tulog na ang lahat, doon lamang umaapaw ang pasasalamat sa aking dugo. sa mga ganitong panahon tumatatak sa kalooban ko ang mga paghihirap na pinagdaanan niya, maging pagbubuntis niya sa akin sa edad na bente dos o pagsuko sa pagtupad sa kaniyang mga pangarap para lamang totohanin ang sa anak niya. 

at sa mga ganitong sandali, aking napapansin na mas babae pa siya kaysa sa akin. mas lalaki pa siya sa lalaki. mas matatag pa siya sa gusaling pinatibay ng kung ano man. kinaya niyang bumulwak palabas ng mga matataas na harang na itinatag ng makalumang panahon, para lamang ako'y makabangon.






 

0 Comments  

View All Posts

View All Posts



Mobile | Terms Of Use | Privacy | Cookies | Copyright | FAQ | Support

© 2024. FriendProject.net All Rights Reserved.